Manila, Philippines – Pinayuhan ni Senator Antonio Trillanes IV si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na lubayan muna ang pagbabad sa social media at tutukang mabuti ang pagtupad sa kanyang trabaho bilang top diplomat ng bansa.
Reaksyon ito ni Trillanes kasunod ng pagbabago sa pahayag ni Locsin sa kanyang Twitter account na nagkaroon ng passport data breach.
Puna ni Trillanes, hindi man lang nagsagawa ng malalim na research si Locsin kaugnay sa usapin para hindi niya kailangan itong bawiin sa bandang huli.
Punto ni Trillanes, naging malaking kontrobersya ang pahayag ni Locsin at nagdulot din ito pagkaalarma sa publiko na nagbigay na ng personal na impormasyon sa DFA kaugnay sa pagkuha ng passport.
Sa tingin ni Trillanes, nakakaabala na sa oras ni Locsin ang labis na paggugol ng panahon sa social media lalo na sa Twitter kung saan lahat halos ng komento ay pinapatulan pa nito.
Sa kabila ng pagbawi ni Locsin ay wala namang plano si Trillanes na bawiin din ang inihain niyang resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyn sa passport data breach.