Hindi naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na mayroong “second wave” ang COVID-19.
Ito ay kahit nararanasan sa ibang bansa ang muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa ikalawang pagkakataon.
Isinisisi ni Lorenzana sa media ang pagse-sensationalize sa mga datos na inilalabas ng Department of Health (DOH) lalo na sa daily number ng COVID-19 infections.
“Personally, hindi ako naniniwala ng second wave kasi wala namang darating na bagong virus na other wave na ganoon eh. Nandyan na ‘yong virus, pumuputok lang,” ani Lorenzana.
Iginiit ni Lorenzana na kailangang i-contain ang virus at hindi dapat mag-panic ang publiko hinggil dito.
Kumpiyansa ang kalihim na ang COVID-19 outbreaks ay “normal” at ang kailangan lamang gawin ay makontrol ang pagkalat nito kabilang ang pagpapatupad ng lockdowns, isolation, contact tracing, at comprehensive treatment.
“If there is a surge, don’t panic. That is normal sa virus na ito na biglang lalabas. Remember that the incubation period ay magstart ng fifth day. It’s impossible for us to capture everybody na infected so normal iyan na pakalat-kalat dyan at mag-infect na naman then sabay-sabay na lalabas iyan,” sabi ni Lorenzana.
Nabatid na sinabi ng mga health experts at academicians na ang COVID-19 curve sa bansa ay napatag na sa unang bahagi ng Setyembre bunga ng bumababang bilang ng mga nagkakasakit o tinatamaan nito kada araw.