Pinaigting pa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang crackdown sa mga hinihinalang investment scams.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-shut down ang Kapa-Community Ministry International Inc. at iba pang uri ng mapanlokong modus.
Ang SEC ay napatupad ng 24 search warrants laban sa anim na entities dahil sa paglabag sa Securities Regulation Code.
Sa pinagsamang pwersa ng SEC, NBI, PNP-CIDG, hinalughog ang mga opisina ng Rigen Marketing sa Tagum City, Ada Farm Agric Ventures sa Mandaue at Ever Arm Any Marketing sa Tagum City.
Sa bisa rin ng search warrants, sinalakay din ang opisina ng: Organico Agribusiness Ventures Corp. sa Cebu, Bohol, Tacloban, Davao City at Butuan maging ang Alabel-Maasim Small Scale Mining Cooperative sa Alabel, General Santos at Koronadal.
Pinasok din ang mga tanggapan ng Kapa sa Alabel, General Santos, Tagum, Quezon City, Taytay, Nueva Viscaya, Tacloban City, Cebu City, Bukidnon at Misamis Oriental, maging sa bahay ng Kapa founder, President Joel Apolinario sa General Santos City.
Maghahain ng SEC ng kasong kriminal laban sa operator, owner, agents, officers at directors ng mga kumpanyang sangkot.
Ang mga lumabag ay mahaharap sa multang aabot sa ₱5 million o 21 taong pagkakakulong.