Sec. Roque, ipinagmalaki ang pagtampok ng Thai Media sa Anti-COVID-19 Campaign ng Pilipinas

Ikinagalak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na napansin ng Thailand media ang Anti-COVID-19 Campaign ng Pilipinas na “Mask, Hugas, Iwas” sa kabila ng pagtawag sa kaniya bilang “round at Asian guy.”

Ito ang pahayag ng Malacañang matapos gumamit ang Thai Enquirer ng moving image o mas kilala bilang GIF – sa kanilang tweet, na nagpapaalala sa lahat na hugasan ang kanilang kamay, magsuot ng face masks, sundin ang physical distancing at makinig sa pamahalaan.

Pero sa mga sumunod na Twitter posts, inamin ng Thai Enquirer na hindi nila kilala si Roque at pinili lamang nila siya dahil sa kanyang mga katangian.


Sa statement, sinabi ni Roque na hindi niya pinersonal ito at itinuturing na panalo para sa Philippine Government.

Patunay lamang na ang COVID-19 ay walang pinipiling borders lalo na at sinabi ng Thai news website na laban ito ng lahat.

Binanggit din ng Thai media sa kanilang tweet na ang kampanya ng pamahalaan laban sa COVID-19 ay epektibo.

Isa sa patunay ay napansin ng ibang bansa ang advocacy campaign ng Pilipinas na sumunod sa health standards na layong magsagip ng buhay at protektahan ang mga komunidad.

Dahil dito, muling ipinaalala ni Roque sa publiko na manatiling sundin ang health protocols ngayong holiday season.

Facebook Comments