
Naniniwala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na marami pa ring matitino at magagaling na kawani sa DPWH sa kabila ng mga kontrobersiya sa maanomalyang flood control projects.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Dizon inatasan siya ni Pangulong Ferdinand Jr. na hanapin ang mga tapat na kawani at sila ang ilalagay sa mga sensitibo at kritikal na posisyon upang matiyak na magiging maayos at tapat ang pagpapatakbo ng ahensya.
Nilinaw rin ni Dizon na ang hakbang na ito ay hindi layong ubusin ang mga empleyado ng DPWH, kundi tanggalin lamang ang mga opisyal at kawani na sangkot sa katiwalian.
Mananatili pa rin aniya sa kanilang tungkulin ang mga opisyal at empleyado hangga’t hindi tinatanggap ang kanilang pagbibitiw dahil kapag iniwan nila ang kanilang trabaho nang walang pahintulot ay maaari pa silang masampahan ng kasong “abandonment of duties.”
Tiniyak naman ng kalihim na sa mga susunod na linggo, unti-unti nang mapupunan ang mga bakanteng posisyon ng mga taong kaagapay ng Pangulo sa paglilinis at reporma sa DPWH, upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.









