Second batch ng bakuna galing sa China, dumating na sa bansa

Dumating na ang karagdagang 400,000 doses ng Sinovac vaccines na donasyon ng bansang China.

Sakay ang mga bakuna ng Philippine Airlines (PAL) flight PR-361 kung saan sinalubong ito nina Testing Czar Vince Dizon, Health Secretary Francisco Duque III, Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Senator Bong Go na siyang Chairman ng Senate Committee on Health at Chinese Ambassador to the Philippines Amb. Huang Xilian.

Matatandaan na umalis ng alas-9:05 kagabi ang nasabing eroplano at nakarating ng Beijing, China kaninang ala-1:33 ng madaling araw.


Alas-7:21 ngayong umaga nang lumapag sa Terminal 2 ng NAIA ang naturang eroplano ng PAL kung saan ang mga bakuna ay gagamitin pa rin ng pamahalaan sa medical frontliners.

Ang pagdating ng mga nasabing bakuna ay bahagi ng ipinangako ng China na donasyon na isang milyong Sinovac vaccines.

Nakatakda ring dumating sa mga susunod na araw ang nasa mahigit 979,000 na doses ng bakuna mula sa AstraZeneca kung saan sinabi ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. na sa March 29 ay darating na rin ang binili ng gobyerno na isang milyong doses ng Sinovac.

Sa buwan ng Abril ay makukuha na rin ng Pilipinas ang iba pang mga bakuna mula sa Sinovac, Sputnik V at sa Covax facility na kanila ng gagamitin sa ibang nasa priority list na mabibigyan ng bakuna.

Inaasahan naman na aabot sa higit 140 miilion doses ng bakuna ang darating sa bansa bago matapos ang taon.

Ayon kay Ambassador Huang Xilian, umaasa siyang mapapabilis ng pagdating ng ikalawang batch ng Sinovac vaccines ang mass vaccination sa Pilipinas.

“I’m happy that more than 200,000 [Filipinos] were inoculated with the Chinese vaccine. The vaccination here is going smoothly,” saad ng ambassador.

“Today we are happy to have the second batch…We hope we will contribute to speed up the mass vaccination in this country so that we will win over the war against the virus and recover the economy,” dagdag pa niya.

Sabi naman ni Go, isa na namang ‘major milestone’ ang pagdating ng mga bakuna sa gitna ng limitadong supply nito.

Kasabay nito, nakiusap ang senador na sundin ang priority list kung saan dapat unang mabakuhan ang mga healthcare workers kasabay ng pagtitiyak na walang mapag-iiwanan sa vaccine rollout.

“Marami po akong nababalitaan na merong mga nauuna, no? Dapat muna nating protektahan ang ating mga health workers, we should armed them since sila po sinasabak natin dito sa giyera na to. So, nakikiusap po ako sa inyo, kung sino po yung nasa priority list ng vaccine rollout, sumunod lang tayo. Aabot naman tayo sa pinakababa, lahat ng Filipinos ay mababakunahan at walang maiiwan,” giit ni Go.

Samantala, ayon kay Dizon, posibleng sa Hunyo pa masimulan ang pagbabakuna sa general population.

Facebook Comments