Second regular session ng 18th Congress, pormal nang nagbukas!

Pormal nang binuksan ang ikalawang regular session ng 18th Congress ngayong araw.

“Physically present” sa plenary hall ang 17 senador habang anim ang dumalo “virtually” na kinabibilangan nina Senators Richard Gordon, Kiko Pangilinan, Manny Pacquiao, Koko Pimentel, Imee Marcos at Cynthia Villar.

Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Senate President Vicente Sotto III ang lahat na magkaisa laban sa COVID-19 kasabay ang pangakong magpapasa ng mga batas na tutugon sa pandemya.


Kabilang sa mga priority measures ng Senado ay ang Medical Scholarship Bill, Hybrid Election Act at mga panukalang tutugon sa economic impact ng pandemya partikular ang Bayanihan to Recover as One Act at ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act.

Inaasahang uungkatin din ang alegasyong korapsyon sa PhilHealth at pagkamatay ng ilang high-profile inmate sa Bilibid habang malabong matalakay ang Charter Change.

Dalawampu’t pitong (27) kongresista naman ang dumalo “physically” sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara.

Sa kanyang talumpati, binanggit ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga plano at road map ng mababang kapulungan para sa mga susunod na buwan.

Umapela rin siya sa publiko na ipagdasal si Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng tamang gabay sa magiging plano nito lalo na sa pagtugon sa pandemya.

Nabatid na ilang minutong naantala ang pagbubukas ng sesyon dahil hindi pa tapos magpa-rapid test ang mga dadalong kongresista.

Facebook Comments