Itinanggi ng Department of Health (DOH) sa Region 7 na nakakaranas na ngayon ng second wave ng COVID-19 cases ang Cebu City.
Ito ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso sa lungsod kung saan sa kasalukuyan ay nasa 1,504 ang kanilang total active cases.
Ayon sa tagapagsalita ng DOH-7 na si Dr. Mary Jean Loreche, hindi pa maituturing na second wave ang nararanasan ng lungsod ngayon kundi surge lamang ng mga kaso.
Hindi naman aniya isinasantabi ng DOH ang posibilidad na nagkaroon ng local mutation ng virus dahil sa mas mabilis na pagdami ng kaso sa lungsod
Ang pahayag ni Loreche ay kasunod ng pagkabahala ng OCTA Research Group dahil sa mataas na naiitalang bagong kaso ng COVID-19 kada araw.
Pero sa interview ng RMN Manila, sinabi ni OCTA Research Team Fellow Dr. Butch Ong na may kakayanan ang lokal na pamahalaan ng Cebu na matugunan nang maayos ang sitwasyon dahil sa mataas na kapasidad ng kanilang mga ospital.