“Secret marshals”, ipapakalat ng PNP para magbantay sa mga health workers

Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng mga “secret marshals” sa bisinidad ng mga health facilities para bantayan ang mga health workers.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Commander ng Administration Support for COVID-19 Operations Task Force Commander Lt. Gen. Camilo Cascolan, ang hakbang ay ipinatupad ng PNP kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng sapat na proteksyon ang mga health worker.

Ito ay dahil may mga insidente kung saan naging biktima ng pag-atake o ‘di kaya’y diskriminasyon o pambu-bully ang ilang mga health workers.


Sinabi ng opisyal, magpapakalat sila ng mga plainclothes policemen malapit sa mga pinapasukan at tinitirhan ng mga health workers bilang bahagi ng kanilang “covert security” measures.

Katulad, aniya, ito ng mga dineploy na “secret marshals” sa mga pampublikong sasakyan noong araw pangontra sa mga holdaper.

Ang “covert security”, aniya, ay bukod pa sa “overt security” na ibibigay naman ng regular na unipormadong pulis, na magbibigay ng police visibility para magdalawang isip ang sinuman na umatake sa mga health workers.

Facebook Comments