Manila, Philippines – Inaasahan ang matinding pagbusisi ng mga Senador sa 1.3 billion pesos na budget ng Communications Operations Office o PCOO para sa susunod na taon.
Ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri, hihingan nila ng paliwanag si Communications Secretary Martin Andanar sa mga kapalpakan sa Philippine News Agency o PNA at sinasabing anomalya sa National Printing Office o NPO.
Base report, inirekomenda na ng National Bureau of Investigation na kasuhan sa Ombudsman si NPO Asst. Director Atty. Sherwin Prose Castaneda at iba pang opisyal na sangkot sa maanomalyang deal na pinasok ng mga ito para sa pag-iimprenta ng forms ng Social Security System.
Gayunpaman, wala pa rin umanong aksyon hinggil dito si Secretary Andanar kahit pa ito ang humiling sa NBI na imbestigahan ang sinasabing maanomalyang kontrata na pinasok ng NPO.
Ayon kay Senator Zubiri, dahil nasa ilalim ng kontrol at superbisyon ni Secretary Andanar ang NPO at PNA, hindi ito dapat mag-atubili sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma para matigil na ang mga kapalpakan at katiwalian dito.