Secretary Andanar, tiniyak na parurusahan ang sinumang nagkamali sa binabatikos na artikulong lumabas sa Philippine News Agency

Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang Philippine News Agency sa artikulo nito na inilabas sa kanilang website na may titulong ‘Time to turn a new lead on South China Sea issue’.

Napuna kasi ng ilang nakabasa sa nasabing artikulo na ito ay bumabanat sa pagkapanalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal kaugnay sa issue sa West Philippine Sea o South China Sea.

Ayon kay Andanar, nagpadala na sila ng memo sa pamunuan ng PNA at humihingi ng paliwanag kung bakit hindi dapat sila sampahan ng kasong administratibo.


Paliwanag ni Andanar, ang lumabas na artikulo ay repost ng Xinhua News Agency sa pamamagitan ng kanilang sponsored Website Xinhuanet.Com na partner naman ng PNA.

Pero sinabi ni Andanar, dapat ay dumaan parin sa tamang proseso ang anomang artikulo bago ito ilabas sa kanilang website.

Tiniyak din naman ni Andanar na may mananagot sa insidenteng ito sakaling mapatunayang nagkasala at hindi ginawa ng tama ang kanilang trabaho.

Facebook Comments