Hinimok ni Energy Secretary Alfonso Cusi si Senator Manny Pacquiao na magsampa ng kaso.
Ito ay makaraang ibunyag ni Pacquiao sa budget hearing ng Senado na may katiwalian sa operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market o WESM na nagresulta sa dagdag na bayarin sa kuryente.
Ayon kay Pacquiao, maanomalya at labag sa batas ang sabay na pagpapatakbo ng Philippine Electricity Market Corporation o PEMC at Independent Electricity Market Operator of the Philippines o IEMOP sa WESM.
Ikinumpara rin ni Pacquiao ang IEMOP sa Pharmally Pharmaceutical Corporations at iba pang mga baguhang kompanya may napapakaliit na kapital na nabibigyan ng bilyon-bilyong pisong halaga ng kontrata sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sabi pa ni Pacquiao, konektado rin kay TRANSCO President Melvin Matibag ang IEMOP dahil incorporator nito ang kanyang misis at pangulo naman ng PEMC ang kanyang fraternity brother.
Tiniyak naman ni Cusi na walang katiwalian kaya masakit aniya ang akusasyon ni Pacquiao na mas maiging talakayin na lang sa labas ng Senado sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso.
Paliwanag ni Cusi, kaya lumalabas na 2 ang operator ng WESM ay dahil nasa transition period pa.
Giit pa ni Cusi, kwalipikado at may kakayahan ang IEMOP na magpatakbo ng WESM at hindi rin nito kailangan ng malaking kapital dahil ito ay non-stock nonprofit.