Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na dapat mag-leave of absence muna si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III para bigyang-daan ang patas na imbestigasyon ng Ombudsman.
Pahayag ito ni Gatchalian sa harap ng pag-iimbestiga ng Ombudsman kay Duque at mga opisyal ng DOH dahil sa umano’y mga iregularidad sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Gatchalian, kakayanin ng DOH na magtrabaho kahit naka-leave si Duque dahil bukod sa marami itong undersecretaries ay ang COVID National Task Force naman ang nangunguna sa mga hakbang kaugnay sa pandemya.
Magugunitang si Gatchalian ay isa sa 15 mga senador na pumirma sa resolusyon na humihiling ng pagbibitiw ni Duque.
Sa tingin ni Gatchalian ay nagkulang sa foresight si Duque kaya hindi tayo nakapaghanda ng maaga noong Enero at Pebrero para napigilan ang pagkalat sa bansa ng COVID-19.
Diin ni Gatchalian, masyadong naging kampante ang DOH at nitong Abril lang ginawa ang pag-set up ng mga COVID testing centers at mga isolation centers na hanggang ngayon ay kulang pa rin.