Manila, Philippines – Isinumbong ni Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte si Public Attorneys Chief Percida Acosta na siyang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang natakot sa bakuna.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, isinisi ni Duque kay Atty. Acosta ang pagkatakot ng publiko sa bakuna dahil nawalan ng kumpiyansa ang publiko dito dahil sa kasong isinampa ni Acosta laban sa kanya.
Sinabi aniya ni Duque kay Pangulong Duterte na wala naman siyang kinalaman sa Dengvaxia pero siya ang sinampahan ng kaso ni Acosta.
Sinabi din aniya ni Pangulong Duterte na huwag mabahala sa kasong isinampa ng PAO laban sa kanya.
Sa harap nito ay sinabi din naman ni Panelo na tiwala silang responsible si Acosta at alam nito ang magiging epekto ng kanyang mga pahayag o aksyon sa immunization programs ng Pamahalaan.