Ibinunyag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kinonsulta muna siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bago siya nagpasyang bigyan ng absolute pardon si convicted United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Bagama’t hindi nag-apply si Pemberton para sa pardon, sinabi ni Guevarra na maaaring igawad ni Pangulong Duterte ito sa US serviceman.
Aniya ang pardon ay isang “act of grace” sa bahagi ng Chief Executive.
Ang pagbibigay ng pardon ng Pangulo kay Pemberton ay kasunod ng mga pagtutol sa kautusan ng Olongapo City Regional Trial Court para sa maagang paglaya sa sundalo matapos ikonsidera ang kaniyang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Bago ito, sinabi ni Guevarra na plano ng government prosecutors na maghain ng motion for reconsideration laban sa inilabas na kautusan ng korte.