Manila, Philippines – Tinawag na sinungaling ng samahan ng mga magsasaka si Agriculture Secretary Manny Piñol matapos na magbago ang pananaw nito at payagan na makapag-aangkat ng bigas ang Duterte Administration sa ibang bansa.
Ayon kay Pambansang Katipunan ng Makabayang Magbubukid Spokesperson Jun Pascua nagtataka ang mga magsasaka kung bakit pinahintulutan ni Piñol na mag-import ng bigas sa Thailand at Vietnam gayong mariing tumututol dito ang kalihim.
Katunayan anya ipinagmalaki pa nga umano ni Piñol na hindi na kailangan pang mag-angkat ng bigas dahil mayroon naman anyang sapat na bigas ang NFA na kayang tugunan hanggang anim na buwan.
Paliwanag ni Pascua hindi lubos maisip ng mga magsasaka kung bakit biglang nagbago ang desisyon umano ni Piñol hinggil sa usapin ng pag-aangkat ng bigas.
Giit ni Pascua kung talagang walang tinatago ang kalihim dapat umanong magpaliwang si Piñol sa publiko kung bakit nagbago ang kanyang isip sa pag-iimport ng bigas.
Karapatan umano ng taongbayan na malaman ang buong katutuhanan kung bakit agad nag-iba ang naging desisyon ni Pinol tungkol sa pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa.