Manila, Philippines – Nagpapatuloy ang confirmation hearing para kay Agrarian Reform Secretary Rafael Ka Paeng Mariano kung saan ipinakilala niya ang sarili bilang magsasakang Pilipino na nakaalam sa tunay na sitwasyon ng mga mahihirap na magsasaka sa bansa.
Ayon kay Secretary Mariano, personal niyang nasaksihan ang panghaharas sa mga magsasaka kaya sisikapin niyang mabigyan ang mga ito ng mabuting buhay.
Ayon kay Senator Tito Sotto III na siyang chairman ng CA Committee on Agrarian Reform, kung isya ang masusunod ay nais niyang ikumpirma na si Mariano pero may umiiral aniya silang rules kung saan dapat munang pakinggan ang 10 oppositors o tutol sa kanyang appointment.
Binanggit ni Sotto na kung may oppositors ay mayroon namang 19 na nag-iendorso kay Mariano para sa DAR.
Unang sumalang na oppositor ang pamilya Gallego ng Nueva Ecija.
Reklamo nila, kinonsinte ni Mariano ang iligal na pagpasok ng grupo ng halos 450 mga magsasaka sa kanilang rancho noong October 1, 2016 para ito ay iligal na kamkamin.
Giit ng pamilya Gallego, nasa track record ni Mariano ang paglabag sa batas at pagkampi sa mga lumalabag sa batas kaya siguradong magiging hadlang ito sa layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapaunlad ang kanayunan
Paliwanag naman ni Mariano, pinaimbestigahan na niya ang nabaggit na insidente pero ayaw makipagtulungan ng pamilya Gallego dahil hindi nila pinahintulutan ang ocular inspection sa kanilang lupain.
Tiiniyak din ni Mariano na ang kanyang mga hakbang ay naaayon sa Agrarian Reform Laws.
Giit naman ng pamilya Gallego, ilang beses na nainspeksyon ng DAR ang kanilang lupain at hindi iyon kasama sa programang agraryo.