Humingi ng paumanhin si Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang lumabas at magtrending online ang kanyang litrato na lumalangoy kasama ang mga dolphin sa Subic.
Sa larawan, makikitang kasama ni Roque ang apat (4) na dolphin sa isang marine adventure park sa Zambales.
Sa isa pang larawan na nagtrending online, makikita na hinahawakan ni Roque ang ulo ng dolphin at nakikipag-usap sa park personnel na walang suot na face mask.
Ayon kay Roque, ang kanyang trip sa Zambales ay hindi leisure bagkus binisita niya ang kanyang babuyan na nalulugi na at kinausap ang caretaker kung papaanong idi-dispose ang mga baboy.
Pasok naman na aniya sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang water park na pinapayagan na ang turismo kaya siya nagawi doon at nagpapicture kasama ng mga dolphin.
Sinabi pa nito na kailangan din naman nya ng break dahil ang kanyang trabaho ay walang pinipiling araw.
Hindi rin aniya ito maikukumpara sa Mañanita party ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Debold Sinas dahil hindi naman aniya tao ang kanyang katabi bagkus ay mga dolphin.
Umani ng negatibong kumento ang larawan ni Roque dahil wala sa timing at dahil sa pagiging insensitive nito.