
Nakatikim ng sermon kay Senator Raffy Tulfo ang Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa kawalan ng regulasyon sa mga financial at lending companies na nagpapatakbo ng kanya-kanyang Online Lending Applications (OLAs).
Sa pagdinig ng senado, sinita ni Tulfo ang SEC dahil hinahayaan lang ang mga lending companies na ipamahagi ang mga confidential information ng mga “borrowers” nito sa mga third party service providers.
Ipinunto ng senador na maliwanag na paglabag ito sa Data Privacy Act of 2012 na nangangalaga sa mga sensitibong impormasyon ng isang indibidwal at bukod pa rito ay magkaiba rin ang entity ng online lending applications sa mga third party service provider na hindi dapat nabibigyan ng access sa mga personal na impormasyon.
Inirekomenda ni Tulfo na magtalaga o hindi kaya ay mismong collection units ng Online Lending Applications ang kumolekta ng utang upang may habol ang mga biktima sakaling i-harass sila.
Dagdag dito ay sinita rin ni Tulfo ang kwestyunableng listahan ng SEC kung saan sa kabila ng moratorium sa Online Lending Platforms noong 2021 ay nadagdagan pa ng 40 kumpanya at napayagan pang magregister ng SEC ngayong 2025.
Nangako naman ang SEC sa mambabatas na sisilipin nila kung paano ito nangyari at magsusumite ng official report sa senador tungkol dito.