Imumungkahi ni Senator Raffy Tulfo na magkaroon ng security audit ang mga pasilidad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Aniya, ito ay para magkaroon ng assessment sa operasyon ng NGCP para makumpirma ang tunay na sitwasyon sa ating national security.
Mag-iimbita ang senador ng mga taga-intelligence community para sa gagawing pagsusuri sa pasilidad.
Matatandaang pinangangambahan ni Tulfo ang banta sa pambansang seguridad dahil 40 percent ng NGCP ay pag-aari ng state grid of China na sa isang pindot lang ng remote ay maaari umanong makontrol at patayan ng kuryente ang bansa.
Sa kabilang banda, patuloy namang itinatanggi ng NGCP na China ang nagmamando sa power grids ng bansa at patuloy din nilang sinisikap na mag-upgrade ng pasilidad at ayusin ang serbisyo para hindi na maulit ang matagal at madalas na power outages sa maraming lalawigan.
Sa report ng NGCP, aabot na sa ₱300 billion ang halagang nagastos para sa pagsasaayos ng mga pasilidad mula pa noong 2009 at 56 na proyekto o transmission lines na rin ang kanilang natapos mula 2009 hanggang 2022.