Security detail ni VP Sara, binawasan

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na binawasan ang security detail ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Ayon kay Marbil, walang halong politika ang pagbabawas sa security detail ng pangalawang pangulo.

Aniya, kinakailangan kasi nilang magdagdag ng pwersa sa Metro Manila kaya’t binawasan ang security ni VP Sara.


Paliwanag ni Marbil, hindi naman agad-agad binawasan ang security detail ni VP Sara bagkus kanila muna itong kinausap at ipinaliwanag ang rason.

Sa katunayan, hindi lamang si VP Sara ang tinapyasan ng security detail dahil may mga dating heneral din ang naapektuhan ng kautusan.

Kasunod nito, naniniwala ang PNP na hindi malaking kawalan ang pagbabawas ng security ni VP Sara dahil nagsisilbi lamang itong dagdag mula sa mga sundalong nagbabantay rito.

Facebook Comments