Ikinasa ang heightened alert sa paligid at sa buong gusali ng Kamara sa Batasang Pambansa Complex matapos makatanggap ang ilang miyembro ng mga threat o banta ng pagpapasabog.
Sabi ni House Sec. Gen. Reginald Velasco dahil sa mga banta ay agad niyang inabisuhan ang House Sgt. at Arms, para maghigpit ng seguridad na sinimulan noong Biyernes.
Sabi ni Velasco, kasama sa pinaigting na security measures ay ang hindi pagpapasok ng mga motorsiklo sa loob ng Batasan.
Napansin kasi aniya ng security ang paikot-ikot na motorsiklo sa bisinidad ng Kamara.
May itinalagang area sa Southwing gate kung saan lamang pwedeng maghatid ng items o pagkain ang delivery riders.
Sa ngayon ay dinagdagan ang mga tauhan ng Philippine National Police na naka-deploy sa loob ng Kamara at labas o bungad ng gates nito.
Aktibo rin ang K9 units sa paglilibot sa paligid ng Kamara at pati sa lahat ng lobby o daanan ng mga pumapasok sa kamara ay may mga nakapwestong K9 units.
Ang bawat sasakyan naman na pumapasok sa loob ng Kamara ay sinisilip ng mga security personnel ang mga trunk at pinapaamoy sa K9.
Tulad pa rin ng dati lahat ng bag at mga gamit ng mga pumapasok sa Kamara ay idinadaan sa Xray machines.