Security preparation sa unang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos sa Lunes, all system go na!

All system go na ang inilatag na seguridad ng Philippine National Police (PNP) para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa interview ng RMN Manila kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, sinabi nito na natapos na ang isinagawa nilang walk through at ocular inspection sa loob at labas ng Batasang Pambansa sa Quezon City.

Habang wala pa namang abiso aniya kung magpapatupad ng signal jamming sa Batasan Complex sa Lunes.


Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na kasado ang kanilang inilatag na security deployment kung saan mahigit 22,000 na tauhan mula sa PNP at force multipliers ang ipapakalat sa SONA.

Kasabay nito, pinalagan ni Fajardo ang pahayag ni Bayan Secretary Gen. Renato Reyes na “overkill” ang inilatag na seguridad ng PNP sa SONA ni Pangulong Marcos.

Giit ng PNP spokesperson, ang 22,000 personnel ay binubuo ng 19,000 tauhan ng PNP at 3,000 force multipliers na ipapakalat, hindi lang sa Batasan Complex kundi maging sa buong Metro Manila.

Samantala, nakikipag-ugnayan naman na ang PNP sa mga raliyista na magsasagawa ng ibat ibang programa sa SONA.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni National Capital Region Police Office Spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson na kasunod ng kautusan ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao, nakikipag-coordinate na ang Quezon City district director at mga ground commander sa iba’t ibang grupo para sa maayos at mapayapang kilos protesta.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ni Tecson na mahigpit nilang ipatutupad ang “No permit, No rally policy” at “No rally zone” sa kahabaan ng Commonwealth.

Nabatid na tanging sa mga freedom park lang pinapayagan ang ibat ibang grupo na magsagawa ng kanilang programa.

Kasabay nito, tiniyak ni Tecson na mahigpit na paiiralin ng PNP ang maximum tolerance sa pagbabantay sa mga magki-kilos protesta.

Facebook Comments