Manila, Philippines – Hiniling ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe na paigtingin at palakasin ang security protocols ng lahat ng Local Government Units sa bansa.
Ito ay kasunod na rin ng insidente sa Resorts World Manila kung saan sinugod ito ng isang gunman na nagiwan ng 38 patay.
Ayon kay Batocabe, kailangan ay laging handa ang mga LGUs sa pagresponde sa tuwing may mga trahedya o emergency katulad ng nangyari sa Resorts World.
Dahil dito, pinaaaprubahan agad ni Batocabe sa pagbabalik sesyon ng Kamara ang House Bill 0006 o ang pagkakaroon ng Department of Public Safety sa bawat probinsya, lungsod, at munisipalidad.
Makakatulong aniya ang pagtatatag ng Department of Public Safety sa mga LGUs sa agarang pagtugon o hindi kaya ay pagpigil sa anumang mga man-made o natural disasters.
Sa ilalim ng DPS ay sasailalim ito sa kontrol ng provincial governor, city o municipal mayor para sa pagpapatupad ng batas sa public safety and order.
Mayroon ding central command at control center ang DPS na maguugnay sa mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Ang DPS din ang magmomonitor at magsu-supervise sa mga private security agencies at security guards kung may kakayahan ang mga ito sa mabilis na pagresponde sa mga krisis bago isyuhan ng business o work permits ang mga ito.
DZXL558