Bubuo ng task force ang Philippine National Police (PNP) para sa pagpapatupad ng seguridad sa isasagawang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon kay PNP Director for Operations Valeriano de Leon, makikipag-coordinate ang task force sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa traffic re-routing, mga isasagawang kilos-protesta at iba pang isyung panseguridad.
Ani De Leon, dahil sa loob ng Batasang Pambansa isasagawa ang SONA ay hindi kasing higpit ng security preparations sa inagurasyon ng pangulo ang kailangang isagawa.
Gayunpaman, sinabi ni De Leon na kailangan pa ring i-secure ang bisinidad ng Batasan.
Una nang sinabi ng opisyal na magpapakalat ng mahigit 15,000 tauhan ang PNP, Armed Forces of the Philippines (PNP) at iba pang force multipliers para sa seguridad ng SONA ni PBBM sa darating na Hulyo 25.