Sedition at inciting to sedition laban sa mga ‘nagtago’ kay Quiboloy matibay ang basehan – PNP-CIDG

Naniniwala ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na may matibay silang basehan para kasuhan ng sedition at inciting to sedition ang legal counsel ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at leader Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon at ilan pang indibidwal.

Kanina nang ihain ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) dahil sa naging mga aksyon ng mga kasapi ng KOJC gaya ng pagharang sa tangkang pag-aresto ng mga pulis kay Quiboloy noong Agosto.

Sa ambush interview, sinabi ni PNP-CIDG Chief BGen. Nicolas Torre III na ginagawa lang ng mga awtoridad ang trabaho na isilbi ang warrant of arrest sa mga pugante.


Naniniwala raw siyang mayroong ginawa ang mga kinasuhan na laban sa gobyerno na maituturing na sedition at inciting to sedition kabilang na ang paghikayat umano sa mga miyembro na mag-alsa laban sa pamahalaan.

Tiwala naman ang hepe ng CIDG na lalabas ang mga ebidensiya sa isasagawang preliminary investigation.

Bukod sa dalawang kaso, nauna na ring nagsampa ng reklamo ang mga awtoridad gaya ng direct assault, physical injury at disobedience dahil sa paghaharang ng mga sasakyan at pagpigil sa operasyon na nagresulta sa mga nasaktang pulis.

Facebook Comments