Handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa pagsisimula ng tradisyunal na Simbang Gabi sa darating na araw ng Linggo, December 15.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, inatasan na ni PNP OIC Police Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang lahat ng mga police units na paigtingin ang kanilang ilalatag na seguridad lalo na sa mga simbahan sa buong bansa.
Bukod dito, pinababantayan din ni Gamboa ang mga places of convergence tulad ng mga bus terminal, pantalan, malls, mga pasyalan at iba pang mga lugar kung saan nagtutungo ang publiko tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Samantala sa NCRPO sinabi ni NCRPO Director P/BGen. Debold Sinas, ipinauubaya na niya muna sa mga local police stations ang paglalatag ng mga kinakailangang seguridad sa iba’t ibang simbahan.
Pero mahigpit ang utos ni Sinas sa mga local police chiefs na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga alkalde para sa iba pang kinakailangang adjustment.
Bagama’t wala namang namo-monitor na banta sa seguridad ang NCRPO, partikular nilang tututukan ang mga dinaragsang mga simbahan tulad ng Quiapo Church sa Maynila, Baclaran Church sa Parañaque at Manila Cathedral sa Intramuros.