Seguridad ng AFP, PNP at PCG para sa pagdaraos ng halalan sa Lunes, kasado na!

Kasado na ang inilatag na seguridad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) para sa idaraos na botohan sa Lunes.

Miyerkules, Mayo 4, nang isagawa sa Camp Crame sa Quezon City ang send-off ceremony ng mga tauhang ipapadala ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa kanilang election duties.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala, nasa 40,000 mga sundalo ang ipapakalat ng AFP pero maaari pa itong madagdagan depende sa pangangailan ng Commission on Elections (COMELEC).


Una nang nag-deploy ang AFP ng mga sundalo sa mga lugar na nakasailalim sa red category at COMELEC control.

Naniniwala naman si Zagala na nang dahil sa mga inilunsad nilang operasyon bago pa man ang halalan ay nalimitahan nila ang galaw at abilidad ng sinuman na makapanggulo sa araw ng botohan.

Samantala, 18,672 na mga pulis naman ang idineploy ng PNP.

Habang all-set na rin ang K9, medical at security teams gayundin ang mga floating asset at land vehicles ng PCG na gagamitin para masigurong magiging malaya, maayos, tapat at mapayapa ang gagawing eleksyon.

Facebook Comments