Seguridad ng bansa sa pagpasok ng Afghan refugees, pagtutuunan ni Parlade matapos italaga bilang miyembro ng National Security Council

Matapos italaga bilang Deputy General ng National Security Council, tiniyak ni Lt. General Antonio Parlade na mahigpit nilang babantayan ang pagpasok ng Afghan refugees dito sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Parlade na bagama’t wala siyang problema sa pagtanggap natin ng mga Afghan na gustong tumakas matapos mapasa-kamay ng Taliban ang Afghanistan ay kinakailangan pa ring higpitan ang ating seguridad.

Paliwanag ni Parlade, sa Afghanistan noon nagtraining ang ilang mga Pilipinong terorista na nagdudulot ng kaguluhan dito sa bansa.


Bago maging miyembro ng National Security Council, nakilala si parlade bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at pinuno ng Southern Luzon Command.

Samantala, binatikos ng isang mambabatas ang pagkakatalaga ni Parlade sa kaniyang bagong posisyon.

Ayon kay ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro , maituturing na ‘king of red-tagging’ si Parlade at ang maraming indibidwal na na-red tag ang nasawi sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Facebook Comments