Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi makokompromiso ang seguridad ng Mga residente ng Marawi city at ng mismong lungsod sa harap ng paguwi o pagbabawas ng puwersa ng Gobyerno sa Marawi City.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mananatili ang pagbabantay ng pamahalaan sa lungsod kahit malaki na ang nabawas sa mga sundalong naka destino doon.
Paliwanag ni Abella, hindi maaaring pabayaan ng pamahalaan ang Marawi City dahil mayroon paring natitirang network ang Daesh inspired terrorist group kahit pa nagsisimula na ang rehabilitasyon ng lungsod.
Matatandaan na nagsimula nang umuwi ang mga sundalo mula sa Marawi City para magpahinga at sumabak sa panibagong pagsasanay pati na ang deployment ng ilan sa mga ito para bantayan naman ang seguridad sa gaganping ASEAN Summit sa susunod na buwan.