Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba na gagampanan ng PNP ang kanilang mandato para pangalagaan ang mamamayan kabilang na ang mga miyembro ng hudikatura laban sa anumang banta, krimen, o pananakot.
Ang pahayag ni Alba ay matapos ihayag ng Korte Suprema na ang mga nagbabanta sa kanilang mga miyembro ay maaring i-cite for contempt.
Ito ay may kinalaman sa mga binitawang pahayag sa social media ni dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy laban sa hukom na nagbasura sa petisyon ng Department of Justice (DOJ) para ideklarang teroristang organisasyon ang CPP-NPA.
Ayon kay Alba, laging nasa panig ng batas ang PNP at sisiguraduhin ang kaligtasan ng mga hukom para magampanan nilang maigi ang kanilang tungkulin.
Inatasan na rin aniya ng PNP Anti-Cybercrime Group ang kanilang regional at district commanders na makipag-ugnayan sa mga huwes at piskal sa kani-kanilang nasasakupan para magbigay ng lecture sa cyber awareness.