Itinalaga ni City Mayor Bernard Dy bilang Incident Commander ang hepe ng PNP Cauayan na si PLtCol Sherwin Cuntapay para pangunahan ang pagbibigay seguridad at mapayapang pagdaraos ng DEPED DOS RISE.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Scarlette Topinio, Information Officer ng PNP Cauayan, bago pa magsimula sa mismong petsa ang naturang event ay nakapag deploy na ng mga pulis, POSD Member, at iba pang mga kasamahan sa Cauayan City Sports Complex at sa iba pang mga lugar na pinagdarausan ng laro maging sa mga billeting quarters ng mga delegasyon.
May mga Barangay Officials din at iba pang mga mga kasamahan na nakabantay sa bawat daanan na papasok at palabas sa Sports Complex ganun na rin sa mga pangunahing lansangan na nagmamando para naman sa maayos na daloy ng trapiko.
Ang mga tauhan ng Rescue 922 at CDRRMC ay nakaalerto din sa bawat venue ng palaro upang sa ganon ay agad na marespondehan ang mga atleta o sinuman kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa kanila.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni PLT Topinio ang mga kasamahan na nakabantay sa malaking aktibidad dito sa Lungsod ng Cauayan na gawin lamang ng maayos ang trabaho at responsibilidad nang sa ganon ay makamit ang payapang pagdaraos ng DEPED DOS RISE hanggang sa ito ay matapos.
Sa kasalukuyan, maayos at payapa pa rin naman ang pagdaraos ng kauna-unahang Regional Invitational Sporting Event sa Lambak ng Cagayan na magtatapos sa April 28 ngayong taon.