Seguridad ng mga mag-aaral sa MSU at residente ng Marawi, tiniyak ng AFP at PNP

Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang seguridad ng mga mag-aaral sa Mindanao State University (MSU) at mga residente ng Marawi City, kasunod ng pambobomba kahapon sa loob ng unibersidad.

Ang pahayag ay kasunod ng command conference sa Marawi City kung saan hinimok ni AFP Chief General Romeo Brawner ang mga residente ng lungsod na ituloy lang ang kanilang normal na gawain dahil nakakalat na ngayon ang pwersa ng gobyerno para tiyakin ang seguridad sa lugar.

Sinabi naman ni Western Mindanao Command Chief Chief Lt. General William Gonzales na nag-deploy ang AFP ng isang company ng sundalo sa MSU bilang augmentation force.


Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region Regional Director Police BGen. Allan Nobleza na isang company rin mula sa Regional Mobile Force Battalion ang dineploy sa MSU, at naka-full alert ang PNP sa buong rehiyon.

Samantala, sinabi ni Gen. Brawner na ipauubaya na niya sa mga ground commander ang desisyon kung magde-deploy ng karagdagang seguridad sa mga simbahan sa syudad.

Matatandaang naganap ang pagsabog habang nagsasagawa ng misa sa loob ng MSU nitong Linggo ng umaga.

Facebook Comments