Pinaigting ng Lingayen Police ang seguridad sa mga matataong lugar ngayong holiday season, partikular sa Lingayen Baywalk at iba pang paboritong pasyalan sa bayan.
Ayon kay PCapt. Michael Maure, Investigation Officer ng Lingayen Police Station, mas mahigpit ang pagbabantay sa mga pangunahing kalsada at lugar na dagsa ang mga tao, katuwang ang Public Order and Safety Office, upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng publiko.
Patuloy din aniya ang regular na pagpapatrolya sa paligid ng baywalk kasama ang Task Force Baywalk at mga provincial guard na nakatalaga roon nang 24 oras upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.
Nagpaalala rin si Maure sa mga motorista na iwasang magmaneho kung nasa ilalim ng impluwensya ng alak upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang ligtas na pagdiriwang ng kapaskuhan.









