Manila, Philippines – Mas paiigtingin ng Manila Police District ang seguridad sa paligid ng University of Sto. Tomas sa araw ng linggo na huling araw ng pinakamahirap na pagsusulit sa bansa ang Bar Examination.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, mas maraming pulis ang kanilang ipapakalat sa lugar upang tiyakin ang seguridad ng mga kumukuha ng pagsusulit at mga magsasagawa ng Bar operations.
Paliwanag ni Margarejo, mayroon din umano silang idedeploy na mga K-9 Units sa paligid ng pinagdarausan ng pagsusulit.
Ipinaalala naman ni Margarejo sa mga magsasagawa ng Bar operations na may pinapairal pa ring liquor ban sa bisinidad ng UST simula alas dose uno ng madaling araw ng Linggo hanggang alas dose ng hating-gabi.
Magpapakalat naman ng mga dagdag na Traffic Enforcers ang Manila Traffic and Parking Bureau upang tumulong sa pagmamantine ng trapiko lalo na pagdating ng hapon, paglabas ng mga kumuha ng pagsusulit.
Sa Linggo, mga subject na Remedial Law at Legal Etchics ang kukuhaning ng mga barista.