Handa na ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa darating na Semana Santa.
Paalala ni MIAA General Manager Ed Monreal sa mga pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na iwasang magpasok ng mga bote na may lamang likido na hihigit sa 100 milliliters.
Dapat din aniyang maglaan ang mga pasahero ng tatlong oras para sa international flights at dalawang oras sa domestic flights.
Nangako naman ang Bureau of Immigration (BI) na pupunuin ang mga booth nila sa mga paliparan sa Semana Santa, lalo na tuwing marami ang pasahero.
Sinabi naman ni PCG Commandant Elson Hermogino na itinaas sa heightened alert ang kanilang pwersa bago pa ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Aniya, may itatalaga ring mga K9 teams, special operations forces, harbor patrols at ship inspectors at medical team sa mga pantalan na handang umasiste sa mga emergency cases.
Ayon kay Hermogino, maging ang mga beach ay mahigpit na imo-monitor ng mga coastal security patrol teams at rescue personnel katuwang ang mga lifeguards.
May PCG vessels din aniya na ipakakalat sa buong bansa para magsagawa ng maritime patrols at ng iba pang mandato ng PCG.