Seguridad para sa pagpaparehisto sa pagboto sa 2022 elections, siniguro ng PNP

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na nakahanda ang kanilang hanay para magbigay ng mas mahigpit na seguridad para makapagparehistro ang mas maraming Pilipino kaugnay sa gaganaping 2022 national at local elections.

Ito ang kanyang pahayag matapos ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na palawagin ang registration hours upang mas maraming Pilipino ang makapagparehistro para sa eleksyon sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Eleazar na bahagi ng kanilang responsibilidad tuwing election season na tiyaking maayos at matiwasay ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa halalan, mula aniya sa registration ng mga botante hanggang sa pagdeklara ng mga nanalo.


Ngunit sa panahong ito, kakaiba ang sitwasyon dahil kailangang masiguro ng PNP na nasusunod ang minimum public health safety standards at quarantine protocols sa mga registration sites.

Kaugnay dito, inatasan ni PNP Chief ang mga local police offices na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU).

Pinaalalahanan nya rin ang mga police commander na siguraduhing nagagawa ang mga stratehiya sa pagde-deploy ng tao dahil kailangan din ng mga pulis na tiyakin ang seguridad ng mga vaccination site.

Ang bagong registration schedule ay mula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi na magsisimula sa Lunes o August 23.

Bukas rin ang Comelec para sa voter registration kahit holidays.

Facebook Comments