Seguridad para sa Traslacion 2024, pinaghahandaan na ng PNP

Nagsagawa na ng walk-through nitong Sabado ang Philippine National Police (PNP) kasama ang iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno sa ruta ng tradisyunal na Traslacion, bilang bahagi ng paghahanda para sa Pista ng itim na Nazareno sa Enero 9.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, mayroon nang security template na sinusunod ang PNP sa ganitong klaseng mga aktibidad, pero dahil sa nangyari sa Marawi, magiging mas strikto sila sa pagpapatupad ng seguridad.

Sa ngayon, aniya ay wala pang impormasyon ang kanilang threat assessment at depende sa magiging security concern ang antas ng paghihigpit.


Posible din aniyang magpatupad ng signal jamming, depende sa sitwasyon.

Kasunod nito, tiniyak ni Fajardo na on-board ang lahat ng ahensyang panseguridad ng gobyerno, gayundin ang mga namamahala sa Quiapo Church para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng deboto at lalahok sa pista ng Itim na Nazareno 2024.

Facebook Comments