Cauayan City, Isabela- Nakipagpulong si Cagayan Governor Manuel Mamba kay Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mismong tanggapan ng kalihim upang pag-usapan ang ilalatag na seguridad sa gagawing Cagayan River Restoration Project at iba pang programa ng Administrasyong Duterte.
Tinalakay dito ang planong pagtatatag ng Special CAFGU Active Auxiliary (SCAA) sa Cagayan para sa dagdag na pwersa at masiguro ang seguridad at kaayusan habang isinasaayos ang rehabilitasyon ng naturang ilog, muling pagbubukas ng Port Aparri, Camalanuigan-Aparri Bridge at iba pang Build-Back-Better projects.
Sa kabila nito, inatasan naman ng kalihim ang pwersa ng 5th Infantry Star Division Philippine Army na nakabase sa Isabela para sa pagtulong sa seguridad sa mga ikakasang malalaking proyekto ngayong taon.
Samantala, sisimulan na ang paghuhukay sa tinatayang higit 15 million squaremeters na lawak ng sandbars na may taas na tatlong metro at higit 46 metro kubiko para sa Cagayan river na pangungunahan ng DENR at DPWH.
Nagpasalamat naman si Mamba sa kalihim sa suporta nito para matiyak ang seguridad at upang maibalik ang sigla ng ilog Cagayan at manumbalik rin ang ekonomiya ng probinsya sakaling tuluyan ng buksan ang Port of Aparri.