
Inihahanda na ng Manila Police District (MPD) ang security plan para sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila.
Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Phillip Ines, magtatalaga ang pulisya ng sapat na bilang ng mga tauhan sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Partikular na tututukan ang Binondo, San Nicolas, Ermita, at Sta. Cruz na karaniwang dinarayo tuwing Chinese New Year.
Ipatutupad ng MPD ang round-the-clock na pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga makikibahagi sa selebrasyon.
Pakiusap naman ng MPD sa publiko na iwasan ang pagsusuot o pagdadala ng mga hindi kailangang mamahaling gamit tulad ng alahas, at tiyaking ligtas ang mga gadget at pera.
Ito ay bilang pag-iingat laban sa mga mapagsamantala na sumasabay sa siksikan ng mga tao upang mangdukot o manlamang sa kapwa.
Sa Linggo, Feb. 01, magsisimula ang mga aktibidad para sa Chinese New Year, kabilang ang Asian Food Festival sa Plaza San Lorenzo Ruiz.










