Seguridad sa Divisoria, mas lalong hinihigpitan ng MPD

Mas hinigpitan na ng Manila Police District (MPD) ang seguridad sa may bahagi ng Divisoria.

Ito’y kasunod ng pagdagsa ng publiko na namimili dito lalo na tuwing weekend at kapag night market.

Inatasan ni MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon ang mga istasyon ng pulis na nakasasakop dito na paigtingin ang pagbabantay.


Kasama rito ang pagpapatrolya ng mga pulis gayundin ang pag-iikot ng mobile at bike patrol.

Batid ng pamunuan ng MPD na mas lalo pang daragsa ang mga mamimili sa Divisoria sa mga susunod na araw kaya’t nais nila na masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Maging ang daloy ng trapiko ay pinatututukan din ni Dizon upang maging maayos at hindi maabala ang ibang motorista.

Kasabay nito, nakahanda na rin ang ibang departmento at unit ng MPD na sumuporta at mapanatili ang kapayapaan sa Divisoria.

Facebook Comments