Manila, Philippines – All set na ang seguridad para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 24.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, ipupuwesto na nila sa weekend ang mga pulis sa mga lugar na inaasahang dudumugin ng nasa 10,000 hanggang 15,000 militanteng magkikilos protesta.
Nasa 6,300 na miyembro naman aniya ng Civil Disturbance Management (CDM) ang idedeploy sa labas ng Batasan Complex.
Aniya, papayagan ang mga militante na pumuwesto sa 15-20 metro na layo mula sa south gate ng Batasan Pambansa.
Hindi na rin aniya sila gagamit ng signal jammer pero ipatutupad ang “no fly zone” sa loob ng 6-kilometer radius ng batasan pambansa.
Bukod dito, hindi na rin ipagbabawal ang pagdadala ng backpacks at hindi na rin gagamit ng container vans bilang barikada.
Gayunman, nilinaw ng NCRPO na wala silang natanggap na anumang banta sa araw ng SONA.