SEGURIDAD SA MANGALDAN NATIONAL HIGH SCHOOL, TINIYAK

Mas hinigpitan ngayon ng Mangaldan National High School ang seguridad sa paaralan matapos maiulat ang isang estudyante na nagpuslit ng patalim sa paaralan at ginamit para mangikil ng kapwa nito estudyante.

Nabahala ang pamunuan ng paaralan matapos makumpiska ang isang balisong na mukhang ballpen kung titignan.

Diumano, ang biktima ay isang grade 7 student samantalang ang isa pang sangkot ay grade 8 student.

Matapos maganap ang insidente, agarang nagsagawa ng consultative meeting ang paaralan katuwang ang PNP at mga Barangay Officials upang higpitan ang seguridad.

Ang mga magulang ng sangkot, nagkausap na rin at nagkaayos. Samantalang ang mga sangkot ay sumailalim na rin sa psychological interventions.

Sa ngayon, ipinatupad ang mandatoryong pagkapkap sa bag ng mga estudyante upang masiguro na walang maipupuslit na patalim.

Nagdagdag na rin ng security personnel sa paaralan, kung saan nasa 14 na ang nagbabantay sa apat na gates ng paaralan.

Ang Mangaldan National High School ang pinakamalaking paaralan sa Region 1, kung saan higit walong libo ang mag-aaral. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments