Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang enforcement agencies na paigtingin ang ipinapatupad na seguridad sa mga eskwelahan at sa lahat ng pampublikong lugar.
Kasunod na rin ito ng bombing attack sa Mindanao State University (MSU) habang nagsasagawa ng misa sa gymnasium na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng marami.
Panawagan ni Hontiveros sa mga law enforcement agencies na palakasin pa ang security efforts sa mga paaralan at iba pang pampublikong lugar upang maiwasan ang anumang banta ngayong papalapit ang holiday season o ang kapaskuhan.
Giit ni Hontiveros, ang mga paaralan at mga unibersidad ang siyang nagsisilbing ikalawang tahanan hindi lamang ng mga estudyante kundi sa buong komunidad.
Pinatitiyak ng senadora na gagawin ng mga awtoridad ang lahat ng paraan upang masiguro na ang lahat ng lugar para sa pag-aaral ay patuloy na maging ligtas para sa lahat.
Pinahihigpitan din ni Hontiveros ang border security sa bansa dahil hinihinalang mga dayuhang terorista ang nasa likod ng pambobomba sa unibersidad at pinatitiyak na hindi makaliligtas sa parusa ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.