Mas hinigpitan pa ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT line 3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang ipinatutupad nilang seguridad sa kanilang ng mga istasyon.
Kasunod na rin ito ng paglalagay ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila sa ilalim ng Full Alert Status dahil sa mga serye ng pambobomba sa Mindanao.
Ayon sa Office of Transport Security o OTS na nagtitiyak na mahigpit na naipatutupad ang security plan ng mga transport operators, sumasailalim sa masusing baggage checking at screening, inspection at control ng mga ipinagbabawal na kagamitan ang lahat ng mga pasahero at kawani bago makapasok sa istasyon ng tren.
Oras-oras ding rumoronda ang mga K-9 unit mula sa Philippine Coast Guard (PCG) sa bawat istasyon ng MRT-3 at LRT-2 bukod pa sa sariling K-9 roving units ng linya.
Una nang umapela ng pag-unawa at kooperasyon si MRT OIC General Manager Dir. Michael Capati sa mga pasahero sa ipinapatupad na seguridad.