Seguridad sa Traslasyon 2024, tiniyak ng PNP

Patuloy ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, magpapatupad ang PNP ng istriktong intelligence monitoring kasunod ng insidente ng pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi.

Bagama’t wala aniyang na-monitor na seryosong banta sa seguridad, ngayon pa lang ay naglatag na ng pre-emptive measures ang Pambansang Pulisya para maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari.


Kasama rito ang pagpapakalat ng K-9 units sa Quiapo Church at sa dadaanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno.

Patuloy rin aniya ang Manila Police District sa pagsasagawa ng simulation exercises, communication exercises, at walk through sa ruta ng Traslacion, simula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang sa Quiapo Church sa Quezon Boulevard.

Facebook Comments