Matapos ang preparasyon sa inagurasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pinaghahandaan naman ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang ipatutupad na seguridad sa unang State of the Nation (SONA) ni Pangulong Marcos ngayong buwan.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon, pinagpaplanuhan na nila ngayon pa lamang ang lahat ng posibleng sitwasyon sa loob at labas ng Batasan Complex, kung saan isasagawa ang SONA.
Sinabi ni De Leon na personal niyang pangangasiwaan ang security preparations na ipapaapruba kay PNP Officer in Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Kasama aniya sa plano ang pagpapahintulot sa mga makakaliwang grupo na magtipon at mag-rally sa mga freedom park.
Kasunod nito, kumpiyansa si De Leon na maidaraos ng payapa at matiwasay ang kauna-unahang SONA ni Pangulong Marcos sa darating na Hulyo 25.