Naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights ang sekretarya ni Congressman Arnolfo Teves Jr., laban sa mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ito ay dahil sa umano’y iligal na pagpapatupad ng search warrant, pag-aresto, pagkulong at paglabag sa kanilang karapatang pantao kasunod ng isinagawang raid sa mga bahay ni Teves sa Negros Oriental.
Ayon kay Hanna May Oray, pilit na ipinapagawa sa kanya na amining siya ang inutusan ni Teves para magbayad sa mga pumatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Tinakot din daw siya na sasampahan ng patong-patong na kaso at mabubulok sa kulungan kung hindi tetestigo laban kay Teves.
Ipinagpasalamat na lang umano niya na ibinasura ng Department of Justice ang kaso laban sa kanya dahil sa kawalan ng probable cause.