Sektor ng edukasyon, nananatiling may pinakamalaking alokasyon ng budget sa 2025 —DBM

Pinasinungalingan ng Bicameral Conference Committee ang mga naglabasang maling impormasyon kaugnay sa nilalaman ng 2025 General Appropriations Act.

Sa naging pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang sektor ng edukasyon ang nananatiling may pinakamalaking alokasyon ng pondo ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Nilinaw rin nito na sinunod nila ang nakasaad sa Konstitusyon kung saan dapat prayoridad na may malaking pondo ang edukasyon.


Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act na pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos, nasa higit ₱1.055 trillion ang nakalaang pondo sa edukasyon.

Kasama rito ang budget ng Department of Education (DepEd) na nasa ₱782.171 billion, Commission on Higher Education (CHED) na may ₱34.883 billion, Technical Education Skills Development Authority (TESDA) na may ₱20.979 billion at Local Government Academy na may ₱529 million.

Sa 2025 budget, pangalawa lamang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa may malaking alokasyon na nasa ₱1.033 trillion para sa feasibility study, access road para sa mga airports, sea ports, at railway system.

Kasama rin sa budget ng DPWH ang mga irrigation system, tourism access road, trades, industries and economic zone, Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad Program, water supply at public health facilities.

Facebook Comments