SEKTOR NG EDUKASYON SA DAGUPAN CITY, PATULOY NA PINALALAKAS

Patuloy ang misyon na pagbutihin at palakasin pa ang sektor ng edukasyon sa Dagupan City kasunod ng pagbubukas ng mga moderno at bagong gusali para sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod.

Ngayong Disyembre, binuksan ng Pamahalaang Panglungsod ang tatlong palapag ng bagong library building sa Dagupan City National High School bilang suporta sa paghasa sa kakayahan ng mga mag-aaral.

Bukod dito, nauna na ring pinasinayaan ng tanggapan ang ilang palapag din na gusali sa mga mababang paaralan sa Brgy. Pantal at Mamalingling.

Sa mga naturang aktibidad, binigyang-diin ang kahalagahan ng karampatang suporta ng pamahalaan upang patuloy na umabante ang sektor ng edukasyon.

Sa datos ng tanggapan, kabuuang 9 na school building na ang natapos mula noong 2024, labing apat ang kasalukuyang itinatayo ngayong 2025 at tatlong gusali naman ang nakatakdang ipatayo sa susunod na taon.

Facebook Comments